Thursday, August 5, 2010

Nalungkot Ako Sa Hindi Ko Nagawa

Sa palagay ko mas maganda pa din mag Filipino tuwing kailangang magpalabas ng mga saloobin at emosyon na malalim. May mga pagkakataong maganda ang mga emosyong ito at laging nakakasabik na balik balikan. Pero may mga panahong dumarating na nakakalungkot ang bumabaon sa kalooban.

Kapag nangyayari ito, mas madalas sa hindi ay mahirap iwasang bumigat ang katawan at kalamnan, parang bigla na lang may dumagan na isang kaban ng bigas sa mga balikat. Umaabot hanggang binti ang ngawit dahil sa pag titiis sa dinadala, at hanggang sa paglalakad sa kalye, pati ang dalawang paa ay mahirap i-angat sa lupa, tapos pag nagawa nang humakbang ay para namang nakaka yanig ng katawan ang bawa't pag bagsak ng mga ito.

Kinuha Ang Litratong Ito Mula Sa firstake.net

Ang sanhi ng kalungkutan ko ay ang kabiguan kong rumesponde sa isang pakiusap. Ang pinsan kong nag-aaral ng high school ay nanghingi ng tulong sa akin tungkol sa isang mahalagang proyekto sa eskwela. Siya ay kasalukuyang nasa Agusan Del Sur, at nandito naman ako ngayon sa Australia. Dahil sa kapangyarihan ng email, naipaabot niya sa akin ang pakiusap niya kahit pa halos isang karagatan ang agwat ng distansya niya sa akin,

Hindi naman imposibleng gawin ang pinakikiusap ng pinsan ko. Nagbakasakali lang siya na matulungan ko siyang gumawa ng isang talumpati na kailangan niyang bigkasin sa isang kontest. Ang tawag sa kontest ay "The Voice of Philippine Democracy". Sa nasagap kong impormasyon, tinanghal ang kontest nung nakaraang August 5, 2010. May sapat sana akong panahon para makatulong sa pinsan kong humabi ng magandang piyesa. Kaya lang, dumaan ang ilang gabi na sinayang ko ang mga oportunidad, at dumating ang August 4 nang wala pa akong nasusulat ni isang letra. Nakakalungkot--nakakabigat ng katawan.

Kasi, kung iisipin nang mabuti, hindi lang ang pinsan ko ang natalikuran ko, kahit pa hindi sinasadya. Pati yung pagkakataon na maisawalat ko ang tunay kong nararamdaman tungkol sa demokrasya, hindi ko nagawang samantalahin. Importante kasi sa akin ang paksa na iyon. Inisip ko pa noon na baka sa pagtulong ko kay 'insan, maging isang paraan ang pagtalumpati niya para maibahagi sa ibang mga bata--at pati sa ibang mga matatanda--ang mga pananaw ko ukol sa demokrasya sa Pilipinas. At ngayon, yung pagkakataon na iyon ay lumipas na.

Pero hindi naman pwedeng magpatalo sa ganitong klaseng kalungkutan. Masyadong mahalaga ang eksaminasyon ng demokrasya sa Pilipinas para na lang iwanan dahil lang nakaligtaan kong gumawa ng isang piyesang pang talumpati. Hindi ko man nagawang saklolohan ang pinsan ko sa kontest niyang nilahukan, magagawa ko pa din na paratingin sa kanya ang ilang perspektibo tungkol sa demokrasya sa pamamagitan ng sinulat kong ito. Mga natuklasan kong katangian ng demokrasya sa Pilipinas na pwede niyang pagkuhanan ng mga prinsipyo na dadalhin niya buong buhay niya--at hindi lamang gagamiting kasangkapan para lang sumali sa iisang paligsahan. Maiibsan nang husto ang kalungkutan ko kung maka bawi man ako kahit sa ganitong paraan.

Kinuha Ang Litratong Ito Mula Sa http://www.jhu.edu/fsa/constitution.htm
Napakadaling sabihin na "demokrasya" ang pangunahing haligi ng Pilipinas. Pwede pa ngang masabi na kung burahin ang salitang "demokrasya" sa Konstitusyon ng Pilipinas, baka matagal na ring nabura sa mapa ang bansa. Wala nang makikilalang "Republika ng Pilipinas" o "Republic of the Philippines". At kung wala mang Pilipinas, eh di dapat wala nang pinanganak ni isang tao na Pinoy ang tawag sa buong kasaysayan ng sangkatauhan.

Siguradong nakakatawa kung iisipin, pero ganun katindi ang pagkakabalot ng buong bansang Pilipinas sa demokrasya. Kung walang demokrasya, walang Pilipinas. Kailan pa ba nagkaroon ng panahon na tinawag ang Pilipinas na "Communist Republic of the Philippines"? O di kaya ay "Socialist Republic of the Philippines"? Hindi tayo Sosyalista, Komunista, o Pasista, kaya tayo naging "Republic of the Philippines", simula nung nabuo ang bansa natin.

Napakadali ding sabihin na magandang sistema ng gobyerno ang demokrasya, kasi isang uri ito ng pamahalaan kung saan ang kagustuhan ng nakararaming mamamayan ang nasusunod. Ang mayorya ang may kapangyarihan na magsabi kung ano ang tamang gawin at kung ano ang dapat hindi gawin. Kung may isang miyembro mang gumawa ng hindi kanais nais, ang parusa na matatanggap niya ay pinagkaisahan ng nakararami na dapat lamang ipataw sa kanya--kahit pa sa minsanang pagkakataon ay kamatayan ng nagkasala ang kinahahantungan.

Demokrasya. Napakasarap pakinggan. Gobyerno na itinaguyod ng mismong mga mamamayan, upang ma-garantiya na ang mga mamamayan mismo ang makikinabang--hindi yung kakaunting mga miyembro lamang. Laging pinaaalala sa ating mga Pinoy na ang kapakanan ng nakararami ang matayog na layuning pinaglaban natin kaya tayo nag rebelde sa mga Espanyol nung 1896. Kaya tayo nag rebelde sa mga mananakop na Amerikano pagkatapos noon. Kaya tayo nakipagtagisan sa mga Hapon nung World War II. At kaya tayo naglunsad ng People Power Revolution nung 1986.

Kinuha Ang Litratong Ito Mula Sa http://demoskratospeoplepower.blogspot.com/

Mahalaga sa karamihang mga Pinoy ang demokrasya dahil malawak ang kalayaan ng mga mamamayan sa ganitong sistema ng gobyerno. Ang kalayaan ay isang uri ng kapangyarihan. Sinasabing makapangyarihan ang mga mamamayan sa isang demokrasya. Biruin mo, sa Pilipinas ang dali daling batikusin ng gobyerno. Araw araw sa diyaryo, sa radyo, sa telebisyon, sa loob ng mga eskwela, sa loob ng simbahan, sa loob ng mga inuman, sa loob ng mga bahay, bumabalandra sa pandinig nating mga Pinoy ang mga reklamo laban sa mga politiko at opisyal ng gobyerno. Harap harapang pinupuna ng mga mamamayan--ke normal na manggagawa, estudyante, o kaya naman ay mamamahayag at mga prominenteng personalidad--ang alinmang nababatid nilang mga pagkakamali, katiwalian, o pagkukulang ng gobyerno sa pamamahala.

Ang karapatan upang malayang bumatikos, pumuna, at magreklamo laban sa gobyerno ay hindi pwedeng ipawalang-halaga. Hindi pwedeng gawin yan kapag ikaw ay pinanganak sa Saudi Arabia. Pwede kang ipahuli doon, kung hindi ka man patayin, kapag kumontra ka sa gobyerno, kahit sa salita lamang. Sa People's Republic of China, ang mga bumabatikos sa gobyerno ay kaagad ipinakukulong, kahit ba sila ay bumubulong-bulong lang sa katabi. Sa Myanmar, na pinamumunuan ng isang military junta, maraming tao ang nawawala na lang basta nang parang tinangay ng hangin kapag may sinabi kang masama laban sa junta.

Maraming mga gobyerno sa ibang bansa ang hindi nagpapahintulot sa mga tao na magreklamo kahit pa ang mga gobyernong ito mismo ang nagpapahirap sa mga mamamayan nila.


Kinuha Ang Litratong Ito Mula Sa http://www.guardian.co.uk/world/2008/oct/14/saudiarabia-middleeast

Malaki ang kaibahan ng kalagayan nating mga Pinoy sa mga bansang hindi demokratiko. Ang boses ng mga taong nagrereklamo sa Pilipinas ay hinahayaang mapakinggan, kahit pa ang mga sinasabi ay tumutuligsa sa gobyerno. Sagrado ang boses ng mamamayan sa isang demokrasya. Hindi nga ba at ang bansag sa kontest na sinalihan ng pinsan ko ay "The Voice of Democracy"? Ang kapangyarihan ng mamamayan na gamitin ang boses nila para baguhin at pagandahin ang gobyerno ay isa sa mga pinakatanyag na katangian ng demokrasya.

At mukhang tayong mga Pinoy ay palagiang gumagamit ng kapangyarihang ito. Kung meron man tayong magagamit na salitang maglalarawan sa ugali nating mga Pinoy na pumapatungkol sa ating gobyerno, ang salitang iyan ay "reklamador". Mahilig tayong magreklamo tungkol sa kabantutan ng gobyerno sa Pilipinas. Kahit nasa Pilipinas man tayo o nasa labas ng bansa, puro reklamo ang madalas nating binabato sa gobyerno natin. Walang silbi ang mga opisyal. Talamak ang korapsyon. Hindi naipapatupad nang mabuti ang mga batas. Walang hustisya laban sa mga nagkakasala. Ang mga naghihirap at nagugutom ay patuloy na dumadami. Sobrang haba ng listahan ng mga reklamo natin sa gobyerno na hindi ito magkakasya sa isang libro kung talagang iipunin.

Kinuha Ang Litratong Ito Mula Sa http://www.phillyimc.org/en/philippine-airlines-workers-stage-protests-against-labor-department

Kahit pa man naiinis din ang karamihan ng mga Pinoy sa pagiging reklamador natin sa sarili nating gobyerno, hindi din dapat natin isiping tayo lang ang ang tanging demokratikong bansa na reklamador. Hindi nag-iisa ang Pilipinas. Karamihan sa ibang bansang demokratiko ay kumukulo din sa sarili nilang mantika ng mga reklamo at batikos. Marami ring nag ra-rally at nag de-demonstrasyon sa US, sa Canada, sa Japan, at kahit pa dito sa Australia.

Kung tutuusin nga, ang demokrasya ay isang sistema ng gobyerno na hinihikayat ang mga mamamayan na mag-ingay. Kasi sa ganitong pag angat lang ng boses tunay na nagiging epektibo ang kalayaan ng mga tao.

Kinuha Ang Litratong Ito Mula Sa http://newshopper.sulekha.com/philippines-protest_photo_1159194.htm

Kung tutuusin pa nga, ang pag-iingay at pagrereklamo ang kapangyarihan ng mga mamamayan sa isang demokrasya na pinakamadaling gamitin. Alam naman nating lahat na mas madaling magreklamo kesa sa maghanap ng kalutasan sa problema. Kahit kailan pwede mong murahin ang mayor o barangay tanod o pulis o Presidente dahil may ginawa silang mali. Kahit kailan pwede kang mag litanya tungkol sa pagkalugmok ng ekonomiya ng Pilipinas at ang patuloy na pagdami ng mga taong dukha at walang makain.

Pero iilan lang ba ang nangahas na magbigay ng suhestyon para baguhin at lutasin ang mga problemang pinanggagalingan ng mga reklamong iyon? Malaya tayong mag reklamo. Nangangahulugan, malaya din tayong magpatupad ng mga hakbangin para gamutin ang mga problema ng lipunan.

Sa isang demokrasya, tunay ngang malawak at iba't-ibang uri ang kapangyarihan ng mga mamamayan. Sa sobrang dami ng mga kapangyarihan ng mamamayan, sila mismo hindi nila nagagamit ang kabuuan ng mga kapangyarihang iyon.

At ang kapangyarihang mag reklamo ay iisa lamang sa mga pinakaimportanteng karapatan ng mga Pinoy. Meron ding isa pang kasing importante nun. Baka nga mas importante pa. Ito ang karapatan at kalayaan na piliin ang sariling patutunguhan.

Kinuha Ang Litratong Ito Mula Sa http://www.ceburunning.com/tag/ipi/

Ang kalagayan ng iba't ibang tao sa buong mundo ay pwedeng ihalintulad sa isang karera ng takbuhan. Isipin mong isa ka sa mga magsisimula pa lang na tumakbo, at marami kang katabi. Lahat kayo ay nakahelera sa "Starting Line".

Pero kakaiba ang karera na ito. Hindi pare-pareho ang katayuan ninyong mga tatakbo. Ikaw ay parang normal na atleta, kasi naka suot ka ng manipis na damit, tamang uri ng shorts, tsaka tamang uri ng rubber shoes. Pero yung iba mong mga katabi, nakakapagtakang tingnan. Naka tali sila sa mga upuan. Yung iba naman may piring ang mga mata. Pero tatakbo pa rin sila at makikipag-karera.

Kinuha Ang Litratong Ito Mula Sa http://n2guysnsandals.blogspot.com/2010/01/hot-sandal-clad-boys-bound-gagged-tied.html?zx=4b6142149ec475a7

Kinuha Ang Litratong Ito Mula Sa http://www.thewe.cc/weplanet/news/europe/uk_terror_state/blair_wmd_claims.htm#this_is_real/hot-sandal-clad-boys-bound-gagged-tied.html?zx=4b6142149ec475a7

Di ba parang komedy kapag inisip mo? Ito ikaw, walang piring ang mga mata at hindi nakatali sa upuan. Pwedeng pwede kang tumakbo nang walang kahirap-hirap. Itong mga katabi mo, hindi makakita. Hindi makagalaw. Pero nasa karera pa din. Paano kaya sila makakasabay sa pagtakbo mo? Tapos nakita mo na may bubuhat pala sa kanila. Makaka sali sila sa karera, pero hindi dahil sa sarili nilang lakas at kakayanan.

Kinuha Ang Litratong Ito Mula Sa http://www.nzetc.org/tm/scholarly/tei-WH2-2Hom-c19.html

Ganyan ang kaibahan ng demokrasya sa ibang mga gobyerno. Malaya kang gumalaw. Mas kakaunti ang pumipigil sa pagkilos mo. Yung mga taga Myanmar o kaya naman mga taga Saudi Arabia ngayon, hindi sila kasing laya mo na kumilos. Meron silang mga tali sa kamay, sa paa, at may piring sa mata. Gumagalaw din sila, pero hindi sa sarili nilang lakas at kakayanan. Kaya mas kakaunti ang nagagawa nila.

Madaling sabihin na napakasarap pala ng kalagayan nating mga Pinoy dahil malaya tayo. Demokrasya tayo! Pero dapat din nating isipin na ang responsibilidad ng pagiging demokrasya ay napakabigat din. Hindi laging masarap ang sobrang malaya. Marami ring suliranin na nakakabit sa pagiging malaya sa loob ng demokrasya.

Balikan natin ang haka-hakang karera ng takbuhan. Oo nga at hindi ka katulad ng mga katabi mo na hinahadlangan na gumalaw sa sariling lakas. Pero kailangan mo ring tanungin ang sarili mo--kung tatakbo man ako, alam ko ba kung saan dapat ang hahantungan ko?

Iyan ang pinakamabigat na responsibilidad ng mga mamamayan sa isang demokrasya. Sila mismo ang kailangang magtatag ng layunin ng kanilang gobyerno. Hindi kailangang manggaling sa gobyerno ang layuning ito. Ang kapangyarihan na magbuo ng obhetibo ng isang gobyernong demokrasya ay nangmumula sa mga mamamayan mismo.

Kung gobyerno ang nagtatatag ng pinakalayunin ng isang bansa, hindi na ito demokratiko. Ikaw ang tatakbo sa karera, ikaw din ang magsasabi kung saan ang "Finish Line" nito. Samakatwid, ang layunin ng Pilipinas ay dapat manggaling sa mga Pinoy. Hindi sa mga politiko. At iyan ang pinakamahirap na ipatupad na kapangyarihan sa isang demokrasya.

Mas madali kasi sa ating mga Pinoy na sumunod na lang sa utos ng iba. Mahilig tayong magsimba at sumamba sa relihiyon sapagkat may paniniwala tayo na kapag sumunod lang tayo sa utos ng relihiyon ay giginhawa ang buhay natin. Ang relihiyon na mismo ang nagsasabi sa atin kung ano ba talaga ang magandang buhay. Pero iba ang relihiyon sa demokrasya. Ang gobyernong demokrasya ay obligadong sumunod sa kagustuhan ng nakararami. Kung walang malinaw na layunin ang mga mamamayan, hindi din magkakaroon ng layunin ang gobyerno.

At napakahirap magtatag ng layunin para sa sarili. Mahirap akuin ang responsibilidad. Mas madali para sa tao na turuan kung saan ang daan, kesa sa siya mismo ang gagawa ng sariling daan. Para kang gumagawa ng sarili mong paniniwala tungkol sa relihiyon.

Kinuha Ang Litratong Ito Mula Sa http://www.sevrey.com/jed/Jedidiah/millers%20canyon/Jed%2520Miller%2520Canyon.html

Nakakatakot gumawa ng sariling layunin kasi maaari kang magkamali. At kapag nagkamali, kadalasan marami ang nadadamay. At sa kahuli-hulihan, wala kang pwedeng ibang sisihin kundi ang sarili mo. Ikaw at ikaw lamang ang may sala. Magkakaroon ka pa ba kaya ng motibasyon na muling magsimula sa umpisa at sumubok ulit? Totoong napakabigat ng responsibilidad ng pagtatag ng sariling layunin para sa isang buong bansa.

Pero ganito ang hinihingi ng isang tunay na demokrasya. Kung pag-aaralan ang kasaysayan ng bansang Amerika, maaaring sabihin na magagaling ang mga pinuno nila sa gobyerno simula pa nung 17th century hanggang ngayon sa kasalukuyan sapagkat sila ang pinaka makapangyarihang bansa sa buong mundo--at sila ay isang demokrasya. Oo, totoo ngang magagaling ang mga nagpatakbo ng gobyerno nila, pero ang layunin nilang maging pinakamakapangyarihang bansa ay nanggaling sa mga mamamayan nila. Ang mga Amerikano mismo ang nagnais na maabot ng bansa nila ang kinaluluklukan nila ngayon. Sumusunod lang sa kanila ang mga politiko nila.

Ngayon, ating isipin ang demokrasya natin sa Pilipinas. Bakit ba watak-watak ang mga politiko natin? Bakit ba parang hindi nila alam ang dapat na ipatupad para sa mga mamamayan? Bakit kaya hindi nila masabi kung ano ang magiging katayuan ng Pilipinas sa darating na panahon? Bakit iba ang gustong mangyari ng Luzon sa Mindanao?

Siguro kasi tayong mga Pinoy mismo ay magkakaiba din ang layunin. At kapag magkakaiba ang mga layunin natin para sa bansa, ang pagiging demokrasya din natin ang mapipilay. Ang mga Amerikano ang sumagot mismo sa tanong na "Ano nga ba ang layunin ng bansang Amerika?" Dapat tayong mga Pinoy din mismo ang sumagot sa tanong na "Para saan nga ba at ano ang patutunguhan ng bansang Pilipinas?"

Pag nagkapareho ang kasagutan ng karamihang Pinoy sa tanong na iyan, doon lamang siguro mababatid ng bawat Pinoy ang lubus-lubusang kapangyarihan ng isang demokrasya.

Kinuha Ang Litratong Ito Mula Sa http://www.adamdorman.com/preview.php?TableName=wallpapers&image=21

Napakalaking responsibilidad ang pagiging demokrasya. At ang pinakamabigat na responsibilidad ay sa mga mamamayan mismo. Kailangang matapang ang mga mamamayan na gumawa ng desisyon at kumilos para sa desisyong iyon. Hindi naman masamang mag reklamo, basta parisan ito ng galaw.

Kaya ba ng mga Pinoy ang ganito kalaking responsibilidad? Na tayo mismo ang tumahak ng daan at layunin na patutunguhan natin? Eto ngang responsibilidad ko sa pinsan ko, hindi ko nagawa. Yun pa kayang magdala ng responsibilidad para sa isang bansa?

Siguro nga maganda talaga ang demokrasya. Kasi habang walang nakapiring sa mata, habang walang nakapulupot sa mga kamay at mga paa, hangga't kayang kumilos nang walang hadlang, may pag-asa. Huwag mong kakalimutan yan, 'insan. At sana pati tayong lahat ay hindi makalimot.