Sunday, December 13, 2009

Bakit Mahal Ko ang Pilipinas

Nandito ako ngayon sa Australia habang sinusulat ko ito.

Ang Australia ay kasapi ng G8—ang grupo ng walong pinakamaimpluwensyang bansa sa buong mundo. Bukod sa Australia, ang ibang mga bansang natatandaan kong kasama sa G8 ay ang United States, Great Britain, Japan, Germany, tsaka may iba pa na hindi ko na matandaan ngayon...Russia yata o France, o di kaya Canada. Malapit na yatang masali sa kanila ang People's Republic of China, kung hindi pa ito sumali na.

Ang mga bansang ito ay laging prominente sa Olympics, sa United Nations, sa balita sa radyo at telebisyon, at siyempre, sa komersiyo. Mayayaman ang mga bansang yan. Ang sabi nga ng karamihang Pinoy, kapag ikaw ay nakakuha ng trabaho sa alin mang mga bansang G8, at isa kang Permanent Resident o Citizen, napaka swerte mo na.

Samakatwid, kapag ang Pinoy ay nakapag trabaho dito sa Australia, at naging Permanent Resident o kaya Citizen dito, pinagpala siya.

Oo, nandito ako sa Australia habang sinusulat ko ito, pero hindi ko makalimutan ang Pilipinas.

Karamihan ng mga nakilala kong Pinoy dito sa Australia ay pamilyado na, at may dalawa o tatlong anak. Kahit ilan pa sa kanila ang nakakausap ko, halos iisa lang ang sinasabi nilang dahilan kaya sila lumuwas ng Pilipinas. Pumunta sila sa Australia at sumubok magsimula ng panibagong buhay dito para sa kanilang mga anak. Kasi kung sa Pilipinas daw palakihin ang mga anak, siguradong masama daw ang magiging kinabukasan ng mga ito. Kasi ang Pilipinas mismo ay hinding hindi na gaganda pa ang kalagayan sa mga darating na panahon. Sa madaling salita, ang mga bata sa Pilipinas ay walang maaasahang magandang buhay pag laki nila.

Alam nating lahat na hindi lang mga Pinoy sa Australia ang ganito mag isip. Karamihan din ng mga Pinoy sa ibang bansa, pareho ang dahilan ng pag-alis sa bayang tinubuan nila. Ang mga anak nila ay magiging Australiano paglaki. Kung hindi man Australiano, Amerikano. Canadian. Japanese. German. British. French. Hindi na Pinoy.

Ngayon naiisip ko, ilang milyong bata pa ba ang nabubuhay sa Pilipinas ngayon? Kung totoo ang sinasabi ng mga nakakausap kong Pinoy dito sa Australia, ibig sabihin nun ilang milyong tao din ang lalaki nang walang mararanasang magandang buhay. Ilang milyon siguro ang mababalitaan nating magugutom o kaya maghihirap hanggang 2050.

Ngayon, 2009 pa lang. Marami pang oras para itakas ang mga milyun-milyong Pinoy na bata habang maaga pa, para sa ibang bansa na sila magsipaglakihan. May 41 years pa tayo. Naiisip ko din tuloy, dapat ilipat ang milyun-milyon nilang mga anak na Pinoy sa mga G8 na bansa, para doon silang lahat lumaki at gumanda ang kinabukasan nila. Dapat siguro ganito ang pag planuhan ng susunod na Presidente ng Pilipinas, sinuman siya, pagkatapos niyang manalo sa eleksyon ngayon 2010.

Maraming Pinoy ang magugustuhan ang planong ganon. Kasi, aminin na natin, mas masarap isipin yun. Ano pa ba ang ibang alternatibo? Sino ba naman ang gustong baguhin ang Pilipinas ngayong 2009 pa lang para paglaki ng mga batang Pinoy sa darating na 2029 ay maka ranas man lang sila ng magandang buhay sa Pilipinas? Meron pa bang gana ang mga Pinoy diyan?

Tutal nga naman, simula pa nung 1521 hanggang 2009, ang Pilipinas ay nanatiling pangit ang kalagayan. Kulang – kulang mga 488 years din yung haba ng panahon na iyon. Kailan ba tayo napasama sa G8 sa loob ng 488 years? Makaka asa pa ba tayong mga Pinoy na ang Pilipinas ay mapapasama sa G8 sa susunod na 20, o di kaya 40 years?

Buti pa nga talaga, dalhin na natin ang mga batang Pinoy sa Pilipinas sa iba't ibang mga bansa habang maaga pa.

Kaya lang, marami ang magsasabi, siyempre, imposibleng mangyari yun. Malas na lang nung mga naiwan sa Pilipinas.

Bakit kaya maraming Pinoy sa ibang bansa ang nakapagsasabi pa rin na mahal nila ang Pilipinas? Di ba, dapat tanungin din sila na – kung mahal mo nga talaga ang Pilipinas, bro o sis, bakit ayaw ninyong lumaki ang mga anak niyo sa Pilipinas? At hindi na sila dalhin pa sa ibang bansa pwera na lang kung magiging turista lang sila? Kailangan ba talaga maging Filipino-American or Filipino-Canadian or Filipino-Australian ang mga anak ninyo? Hindi ba pwedeng tawagin na lang silang Filipino? Yung walang dash tsaka pangalan ng ibang bansa na katabi?

Habang sinusulat ko ito, nababalitaan ko dito sa Australia na marami na namang namatay sa Pilipinas. Sunod sunod kasi ang mga pangyayari. May mga malalakas na bagyong dumating kaya ilang daang Pinoy din ang namatay. May mga kriminal na pumatay ng 57 katao sa Maguindanao. May isang taga Basilan Island ang pinugutan ng ulo. May sinabugan ng baterya ng cellphone. Puro trahedya.

Bukod pa sa mga nababalitaang mga namamatay, marami pang bali-balita na ang mga krimen ay patuloy na dumadami at hindi na napipigilan. Maraming mga kriminal sa mga kalye at mga baryo. Mas marami pang kriminal na may mga posisyon sa gobyerno.

Patayan. Kalamidad. Krimen. Masamang gobyerno. Mahirap na buhay. Sino nga ba naman ang magpapalaki ng anak sa lugar na ganyan? At sino nga ba naman ang gustong manirahan sa ganyang lugar?

Habang dito sa Australia, naku, ang pinaka malalim lang yatang problema ng mga Pinoy dito ay kung saan mag pa park ng sasakyan kapag mag sha shopping sa mall. Dito sa Australia, ang mga Pilipino may mga bahay, marami silang pagkain, hindi sila kayod kabayo kapag nagtatrabaho, tsaka ang mga kagamitan nila sa bahay kumpleto – kasama na ang washing machine, microwave oven, tsaka computer.

Bakit mo iisipin pa ang Pilipinas kung ganito na ang kalagayan mo? Kailangan mo pa bang kumilos para sa Pilipinas kung nandito na nga't nasa isang G8 country ka na?

Kapag sinasabi kong gusto kong bumalik ng Pilipinas balang araw para gumawa ng paraan, kahit gaano pa kaliit, na makatulong akong pagandahin ang buhay ng mga Pilipino doon, maraming nagsasabi na pangarap lang ng siraulo yon. Kesa mag aksaya pa daw ako ng panahong mag isip kung paano matupad ang planong ganun, mas mabuti pa daw na isipin ko na lang kung paano magtaguyod ng sariling pamilya dito sa Australia. Tutal, single pa naman ako at wala pang anak. Bakit ba iniisip ko pang balikan ang Pilipinas?

Pero desidido pa rin akong bumalik sa Pilipinas balang araw. Aabutin siguro ng anim na taon mula ngayong 2009 bago ko magagawa yun, pero gusto kong bumalik sa bayan ko. Pag nakuha ko na ang Permanent Resident Visa ko dito – siguro pagdating ng 2015 o 2016 – nangako ako sa sarili ko na uuwi ako.

Kasi minamahal ko ang Pilipinas. At mabuti nang klaruhin ko kung bakit, kahit pa sabihing siraulo ako.

Ayaw kong isipin na wala nang pag-asa ang Pilipinas. Hindi ako madalas magsimba, at lalong hindi ako madalas magdasal. Masasabing hindi ako relihiyosong tao. Pero may isang alituntuning tinuturo ang relihiyon na pinaniniwalaan ko – ang palagiang pagbibigay ng pagkakataon para sa mga taong magbago ng buhay.

Halos lahat ng relihiyon, Kristiyano, Muslim, Budista, o anupaman, ay nagkakaisa sa paniniwalang hindi dapat itakwil ang kahit sinuman dahil sa kaniyang nakaraan. Nandiyan yung mga sagad sa butong adik na ilang taon ding sinayang ang mga oportunidad sa buhay – tinapon ang lahat ng pera para sa bisyo, natutong matulog sa kalye, natutong magnakaw, nakulong sa bilangguan...pero dahil binigyan siya ng pagkakataong magbagong buhay ay nagawa niya. At alam nating nangyayari ang ganito sa totoong buhay. Hindi lang isang beses. At hindi lang sa mga adik.

Alam ng halos lahat ang kwento tungkol kay Hesus at doon sa babaeng prostitute. Dahil sa kabaitan ni Hesus, imbes na hayaan na lang niyang batuhin ng mga taongbayan ang babae para parusahan ito sa pagiging prostitute, dinepensahan ni Hesus ang babae at hinimok niya itong talikuran ang nakaraan at magbagong buhay. Sa kabila ng di kanais-nais na nakaraan nung prostitute, naniwala pa rin si Hesus na kaya pa nitong ituwid ang sarili.

Kahit pa alisin ang relihiyon sa usapan, hindi pa rin natin maipagkakaila na malaki ang nagagawa ng positibong pag-udyok para magbago ang buhay ng isang tao. Sa personal kong karanasan, marami akong nasaksihang mga estudyante na nagsimulang "bobo", pero dahil patuloy siyang hinihimok ng isang mabait na teacher na pagbutihin ang pag-aaral ay unti-unting matututo itong mag tiyaga – at nagugulat na lang ang lahat nang mapansing tumaas na ang grado nito.

Importanteng hindi kalimutan ng mga Pinoy ang nakaraan ng Pilipinas, pero hindi nangangahulugang dahil sa nakaraang masalimuot ay hindi na magbabago ang Pilipinas. Kung tutuusin, ang Pilipinas ay pwedeng maihambing sa isang estudyante. At pwede din ihalintulad ang iba't ibang mga bansa ng mundo sa mga estudyante din. Ang komunidad ng mga bansa ay pwedeng isiping parang isang malaking classroom.

Sa classroom na ito, magka-kaklase sila Mr. Pilipinas, Mr. United States, Mr. China, Mr. Canada, at iba pa. Sa kasalukuyang panahon, may humigit-kumulang 155 ang mga bansa sa buong mundo. Samakatwid, sa ganitong classroom, may 155 na mga estudyante ( kunwari lang naman – patawad kung mali ang bilang ko sa dami ng mga bansa sa mundo ).

Alam natin kung sino ang "pinakamatatalino" at "tanyag" sa mga estudyanteng ito. Siyempre, sila yung "top 8" – na tinaguriang grupong "G8" sa totoong buhay. Sila ang mga estudyanteng magagaling sa science subject, sa economics subject, sa military studies, sa social studies, sa physical education...halos lahat ng mga aralin sila ang nangunguna.

Yung ibang mga kaklase ni Mr. Pilipinas, sinusubukang habulin ang naabot na ng top 8 na mga estudyanteng ito. Kabilang sa mga estudyanteng nagpupursigi para mapasali sa kanila ay sina Mr. South Korea, Mr. Malaysia, Mr. Singapore, Mr. India, Mr. Dubai, at iba pa. Para kasi sa mga estudyanteng katulad nila, pinagtiyatiyagaan nilang pantayan ang kakayahan ng mga estudyanteng pinakamagagaling. At siyempre, mas maganda yung ganun. Kasi, kung muli tayong babatay sa karanasan ng totoong buhay, mas maayos kasi ang kalagayan ng mga mamamayan ng isang bansa kapag "excellent" ang grado ng bansa.

Kumusta naman si Mr. Pilipinas sa classroom na ito? Nakakalungkot mang aminin, hindi kasama si Mr. Pilipinas sa mga pinakadalubhasang mga estudyante. Sa kasalukuyan, nandoon siya sa isang sulok ng classroom, walang sapatos, may mga butas ang uniporme, at kung hindi man nagmumukmok ay parang hindi nakikinig sa leksyon. Wala siyang kagana-ganang pataasin ang mga grado niya. Kuntento na siya na manahimik na lang sa loob ng classroom at pagmasdan ang nangyayari sa ibang mga katabing estudyante.

Panigurado lang marami tayong nakitang ganitong klaseng estudyante sa totoong mga karanasan natin. Tuwing makakita tayo ng ganitong estudyante, mabilis nating sabihin sa sarili natin na, "Yan ang batang walang pag-asang magkaroon ng magandang kinabukasan. Bakit hindi na lang siya tumulad doon sa mga kaklase niyang first honor o valedictorian na masipag sa pag-aaral? Paano uunlad ang isang estudyante kung wala siyang ibang ginagawa sa classroom kundi tumunganga?" Kaya ang iisipin tuloy natin, baka kasi yung estudyanteng ganun ay maraming bisyo, puro barkada ang inaatupag, walang hinangad na gawin kada araw kundi maghanap ng walang kwentang aktibidades na uubos ng oras.

Lahat tayong mga Pinoy mahilig sa magaling na estudyante, lalo na kung swertehin ka at naging magulang ka ng ganung klaseng anak. Pero kung tutuusin, ang buong bansang Pilipinas mismo ay kumikilos nang parang estudyanteng nakatunganga. Nakakapagtaka naman.

Mabuti na lang, hindi lahat ng estudyanteng pulpol o tatanga-tanga sa umpisa ay garantisadong mananatiling ganun buong buhay niya. Meron pa nga diyan, binubugbog halos araw-araw ng sariling tatay kaya nalulon sa bisyo at barkada kaya ilang taong nahirapan bilang estudyante. Pero, magugulat ka, tulungan lang siya ng mga taong taos-pusong nagnanais na paunlarin ang kalagayan niya – at magagawa nga ng estudyanteng ito ang magbago.

May nangyari na bang parang ganito sa classroom ng mga bansa na tinatalakay natin? Meron.

Si Mr. Japan, na kasalukuyan ay nasa top 8, ay may nakaraang masalimuot – at alam ng karamihan nating mga Pinoy iyon. Sino ba ang hindi nakakaalam na binomba ng dalawang atomic bomb ang Japan? Bukod pa doon, halos pinulbos ng Allied Forces ang buong bansa ng Japan bilang ganti sa mga karumal-dumal na mga kasalanan ng mga sundalong Hapon noong World War II.

Kumbaga sa estudyante, itong si Mr. Japan ay naging siga sa klase, pero biglang pinagkaisahan ng ibang mga kaklase niya at siya naman ang pinagbububugbog hanggang nagkabali-bali ang mga buto niya at umiiyak siyang nanghingi ng patawad. Kinawawa si Mr. Japan bilang estudyante, pero hindi rin siya makapagreklamo nang husto kasi siya rin ang may kasalanan eh.

Si Mr. Japan naging estudyanteng pulpol nung 1946, pagkatapos ng World War II. Pero pagkatapos ng 20 years, nakabangon na siya ulit. Ngayon siya ang pangalawang pinakamagaling sa estudyante sa classroom, sa ibaba lang ni Mr. United States. Hindi naging madali para kay Mr. Japan na maka rekober, pero nagawa niya.

Nakakuha naman ng inspirasyon sa kanya itong si Mr. South Korea, kaya eto naman si Mr. South Korea, napapansin nating sumusunod sa mga yapak ni Mr. Japan, at nagiging dalubhasang estudyante na rin.

Marami pang pagkakataon para maging mabuting estudyante si Mr. Pilipinas. Kahit gaano pa katagal ang nagdaang panahong naging isang delingkwenteng "estudyante" siya.

Hindi madali ang magiging proseso, pero pwede pa ring paunlarin ang Pilipinas. Pero kailangan maging katulad tayong mga Pinoy sa mga teacher na hindi tumitigil bigyan ng tulong ang isang estudyante.

Mahilig tayong mga Pinoy na magkwento sa atin-atin na ang mga kabataang Pinoy ay matatalino – na kapag pinag aral sila sa mga eskwelahan sa United States, sa Canada, sa Australia, sa kung saan-saan pa, kitang kita agad na sila ang masisipag mag-aral at tanyag sa kinaluluklukan nilang mga classroom. Hindi naman siguro malayong isipin na ang buong bansang Pilipinas ay magagawa ding maging kahanga-hanga tulad ng mga kabataang ganun.

Hindi ko nakikitang dadating ang panahong iyon sa loob ng isang taon o sampung taon. Maaaring umabot ng 20 years bago pa mangyari yun, gaya ng nangyari sa Japan. Baka mas matagal pa ang kailanganing panahon. Pero ang pinakaunang dapat mangyari ay mas dumami ang mga Pinoy na magmamahal sa sariling bayan, na maghangad na tulungan ito para maka takas sa kasalukuyang kalagayan.

Mahal na mahal ko ang Pilipinas kasi may kinabukasan pa ito. Hindi ko maatim na pabayaan ang Pilipinas habang patuloy na lumulubha pa lalo ang kalagayan nito. Ang mga Australiano mismo, ang mga Amerikano, mga Intsik, mga Canadian, mga Hapon – lahat ng mga mamamayan ng mga bansang G8 ay nagmamahal sa sarili nilang mga bansa. Ano ang dahilan ko para hindi gayahin ang ganung pag-iisip nila?

Para sa mga Australiano, nakakabawas ng dignidad ng kapwa Australiano kung hindi niya mamahalin ang Australia. Mababawasan ang dignidad ko bilang Pinoy kapag hindi ko mamahalin ang Pilipinas.

At sa karanasan ko, mas natutuwa ang mga Australiano sa akin kapag ipinakita ko ang pagmamahal ko sa bansang sinilangan ko. Kasi nagiging pareho kami ng pag-iisip. Kapag tinakwil ko ang bansa ko, palagay ko lalo pa akong pag-iisipan nang hindi maganda ng mga Australiano. Hindi sila komportable sa taong hindi nagmamahal sa sariling bansa.

Hindi kasi sila ganun.

Kaya gagawin ko talagang umuwi ng Pilipinas kapag maging angkop na ang panahon. Napagmasdan ko na mismo dito sa Australia kung paano galangin, mahalin, at pagandahin ng mga Australiano ang Australia. Nadagdagan na ang kaalaman ko kung paano ko gagawin ang mga ganun sa Pilipinas pagbalik ko.

Ang mga natututunan ko dito at ang ikauunlad ko dito ay ibabalik ko lahat sa Pilipinas. Kasi para saan pa ba at pumunta ako sa ibang bansa, kundi para maibahagi sa sariling bansa ang mga kaalaman ko?

Maiintindihan ng mga Australiano yun, kasi sila mismo ay ganun mag-isip. Kaya nga walang tigil silang gumagaya sa mga ginagawa sa US. Kasi para sa kanila, kahit pa G8 na ang Australia, walang tigil ang pagpursigi nila para mas lalo pang gumanda ang sarili nilang bansa.

Kaya ang pakiusap ko sa mga Pilipinong nasa mga bansang G8 ngayon, subukan ninyong ibalik sa Pilipinas ang mga biyaya ninyo. Ipahatid ninyo sa mga Pinoy sa Pilipinas ang mga paraan ng isang bansang G8 para maging isang magandang bansa, lalo pa't araw-araw na ninyong nararanasan ang mga yon.

Ano ba ang masama kung magulat na lang tayo isang araw at G8 na din pala ang Pilipinas?

1 comment:

  1. kapatid, napakaganda ng iyong sinulat... Lalo sa panahong ganito na lugmok na naman ang bayan natin.. HOSTAGE CARNAGE SA LUNETA ang pinaka latest na black eye natin...

    Ako ay isang pastor sa Pilipinas. Sa nakalipas na dalawang araw, nakakahiya mang aminin, sumadsad din ako sa kawalan ng pag-asa. Sabi ko nga sa 12 year old kong panganay "anak ayusin mo ang pag-aaral mo para makalayas ka balang araw sa bayan natin..." Bugso ng damdamin, na kagyat ko rin namang binawi sa kanya. Humingi ako ng tawad sa pagpapakita ko ng aking kahinaan...

    Gustung-gusto ko ang ginamit mong paghahalintulad sa classroom. Napaka-akma! Marami tayong kilalang iskol-bukol dati, pero siya namang matagumpay sa batch nila ngayon. Yung kanilang pagkilala sa kanilang kahinaan ang nagbigay inspirasyon para pagyamanin, pahalalagahan kung ano mang tsansang sila ay nabigyan para makapagsimulang muli!

    Hihingin ko sana ang iyong pahintulot na hiramin ang konseptong ito sa aking sermon sa church ngayong sunday... Tamang tama, Linggo ng wika, at nasa gitna ang bayan sa isang madilim na namang pahina ng ating pinagsasaluhang kasaysayan...

    Pagpapalain ka kapatid...

    Ang email ko ay jojo.baldo@gmail.com

    ReplyDelete